Saturday, December 8, 2012

PASISTANG REHIMENG US-AQUINO, ITAKWIL AT LABANAN!

Press Statement
December 08, 2012

Reference: John Concepcion
Karapatan-Bikol Spokesperson
Cellphone Number: 09108258398  
Landline Number: (054) 4956191


Todo-todong giyera ang inilunsad ng rehimeng US-Aquino laban sa mamamayang Pilipino mula sa pinatindi at mapanlinlang na kontra-insurhensiyang programang “OPLAN BAYANIHAN (OPB)”. Inakala ng mag-among US-Aquino na kaya nilang ikubli ang terorismo laban sa sibilyan sa pamamagitan ng “conditional cash transfer (CCT)” na ginagawang pambulag sa kawalan ng programang kapaki-pakinabang. Ipinagmalaki rin niya ang pagtaas diumano ng ekonomya mula sa nakamit na 6.4% mula sa target daw na 7.8%.

“Bravo!” Ang sigaw ng kanyang mga tutang gutom na gutom sa negosyong inilaan ni PNoy na tinatawag na “Public-Private Partnership” o PPP. Ang programang ito ang naging dahilan ng kabi-kabilang demolisyon ng maralitang lungsod para bigyan daan ang lokal at dayuhang negosyo. Nagtaasan din ang bayad sa SLEX at NLEX, maging ang upa sa MRT at LRT mula ng ito ay isa-pribado.


Umabot na sa 55% ang mga nagsasabing sila ay mahirap, maraming nawalan ng trabaho at nagtaasan ang presyo ng bilihin. Tumaas din ang bayad sa tubig at kuryente. Pati prepaid text at tawag sa cellphone ay tinangkang lagyan ng buwis.

Nangunguna ang Bikol sa bilang ng extra judicial killing (EJK) na umabot na sa 36 biktima sa ilalim ni PNOY. Tampok dito ang pagdukot at pagsalvage ng 42nd IBPA kay Rodel Estrellado, kasapi ng Bayan Muna, pagmasaker sa pamilya Mancera at pagpaslang  kay Punong Barangay at human rights advocate na si Kapitana Merlyn Bermas ng Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte.  Sa dalawanag insidenteng ito, kasamang pinaslang ang tatlong bata, (Michael Mancera, 10; Richard Mancera, 7, at Gerald Oreza, 4) at nabigong paslangin ang 1 pa (Leonisa Mancera, 14).  Kagagawan ito ang 49th IBPA na palipat-lipat  na nagka-kampo sa mga pampublikong lugar sa hindi na bababa sa 60 Barangay mula pa noong  Abril 2012 sa 7 bayan ng Camarines Norte.

Buo ang paninindigan ng Karapatan-Bikol na 2nd IBPA ang gumawa ng pagpugot ulo at ibinaon pa sa putikan ang katawan ni Kagawad Elly Oguis ng Bgy. Cabaloaon, Guinobatan, Albay. Naglubid na lang ng kwento ang pamunuan ng 2nd IBPA upang ilihis ang tunay na pangyayari.

Mismong si Lt. Col. Michael Buhat, tagapamuno ng 49th IBPA, ay inamin na nagpapanggap silang NPA para daw malaman kung sino ang mga suportador nito.  Sadyang mapanganib ito mga sa sibilyan at naghahasik ng takot sa mga tao sa komunidad.  Katulad ng nangyari sa 2 kasapi ng Masbate People’s Organisasyon sa Mobo, Masbate na natagpuang patay matapos hindi na bumalik sa ipinatawag ng Army na pulong-pulong sa kanilang barangay.

Sa kanayunan, laganap ang karahasan at pananakot ng mga military. Laganap ang paggamit ng mga pampublikong gusali (daycare center, barangay hall, chapel, eskwelahan)  at/o pagbase sa matataong lugar kahit alam nilang ito’y bawal. Balot ng takot at pangamba ang mga taumbaryo lalo na sa mga bata. Apektado ang kanilang pang-araw-araw na buhay at kabuhayan.

Hindi kayang ikubli ng AFP at ni PNOY ang karahasan ng Oplan Bayanihan (OPB) na naka padron sa US Counter Insurgency (USCOIN). Kinakatulong pa nito ang malaking bilang ng armadong pwersa ng Amerika na narito sa bansa sa bisa ng kasunduang “Visiting Forces Agreement” o VFA.  Tanging US ang  makikinabang nito dahilan sa kanilang ambisyong maghari sa Asya-Pasipiko sa larangan ng pulitika, negosyo at militar.

Sa ika-64 taon ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), kung saan, ang Pilipinas ay signatory mula 1950, ating singilin ang rehimeng US-Aquino sa pananatili ng “culture of impunity” o mga kasong pagpatay na lantaran at walang takot na ginagawa ng armadong pwersa ng estado.

Hustisya sa lahat ng biktima ng Extra-Judicial Killings at iba pang paglabag sa Karapatang Pantao!
Papanagutin si GMA sa kanyang mga kasalanan laban sa mamamayan!
Singilin si Pang. Aquino sa kawalan ng interes na maparusahan si GMA at mga militar na sangkot sa EJK, laluna ang berdugong si Gen. Jovito Palparan!


No comments:

Post a Comment