Saturday, December 8, 2012

“CULTURE OF IMPUNITY” PATULOY SA REHIMENG US-AQUINO!

Reference: John Concepcion
Karapatan-Bikol Spokesperson
Cellphone Number: 09108258398   
Landline Number: (054) 4956191


Patuloy na umiiral ang culture of impunity sa ilalim ng rehimeng US-Aquino na minana pa nito sa naunang rehimeng US-Arroyo. Culture of impunity ang tawag sa ‘di pagpapanagot sa  batas sa mga ahente ng gobyerno na sangkot sa serye ng human rights violations  at ang kawalang hustisya sa mga biktima at sa buong bayan.  Malayang iniikutan ng mga violators/kriminal ang batas  kaya lalong lumalaganap ang  human rights violations.  Ang culture of impunity at malaganap na human rights violations ay direktang resulta ng pagpapatupad sa Oplan Bayanihan, ang kasalukuyang  programang kontra-insurhensya ni P-Noy.

Tigmak noon sa dugo ang Oplan Bantay Laya I & II ng rehimeng US-Arroyo sa rekord na 1,205  kaso ng extrajudicial killings (EJK), ang 206 kaso nito ay  naganap  dito sa Bikol.  Hanggang sa ngayon, walang plano si P-Noy para papanagutin si Gloria Macapagal-Arroyo at ang mga alipures nito na  sangkot sa  malawakang human rights violations sa loob ng 9 na taon sa pwesto.


Duguan na rin ngayon ang mga kamay ng rehimen ni P-Noy. Sa mahigit 2 taon pa lamang ng Oplan Bayanihan, dokumentado ng KARAPATAN ang 129 na biktima ng EJK, kung saan kabilang ang 14 na bata, 72 ang dinukot/nawawala, 150 ang biktima ng frustrated EJK, at 12 pa ang tinortyur.

Lubhang nakababahala rin ang napakataas na bilang na 23,792 mamamayang biktima dahil sa paggamit ng mga sundalo  ng AFP sa mga pampublikong lugar/pasilidad (eskwelahan/day care centers, barangay halls, kapilya, health centers, tanod outpost at iba pa)  bilang  kampo  o detatsment na  naglalagay sa panganib sa buhay ng mga sibilyan.  Pilit na binibigyang-matuwid ito ng AFP sa baluktot na rason na naroon sila bilang Community Peace and Development Teams o CPDT.     

Dito sa Bikol, sa pinakahuling tala ngayong Nobyembre 2012, umabot na sa 36 ang biktima ng EJK, pinakamataas ito kumpara sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.  Tampok na mga kaso ang pagdukot at pag-salvage  ng 42nd IB ng Philippine Army kay Rodel Estrellado, kasapi ng Bayan Muna;  pagmasaker sa pamilya Mancera sa Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte; pagpaslang  kay Punong Barangay at human rights advocate na si Kapitana Merlyn Bermas.  Sa dalawanag insidenteng ito, kasamang pinaslang ang tatlong bata, (Michael Mancera, 10; Richard Mancera, 7, at Gerald Oreza, 4) at nabigong paslangin ang 1 pa (Leonisa Mancera, 14).  Ang 49th IB ng Philippine Army ang may kagagawan ng pagmasaker sa mga Mancera at siya ring itinuturong pumaslang kay Kapitana Bermas. Palipat-lipat  na nagka-kampo ang mersenaryong batalyon sa mga pampublikong lugar sa hindi bababa sa 60 Barangay mula pa noong Abril  2012 sa 7 bayan ng Camarines Norte.

Nito lamang Nobyembre 11, pinatindi pang lalo ang teror sa mga biktima at mamamayan sa Bikol sa ginawang brutal na pagpugot sa ulo ni Kgwd Ely Oguis, kasapi ng Albay People’s Organization at human rights  advocate ng  Brgy. Cabaloaon, Guinobatan, Albay. Hinihinalang mga elemento ng 2nd IB—PA  na nakakampo sa Barangay Cabaloaon ang may kagagawan nito.  

Tulad din ng rehimen ni Arroyo, mulat na sinusunod ng rehimeng US-Aquino ang pahirap sa mamamayan na mga patakarang globalisasyon ng imperyalistang Estados Unidos.  Dahil dito, tagos ang mga paglabag sa karapatan nating mamamayan hanggang sa ating kabuhayan, serbisyong panlipunan at maging sa kultura. 

Sa pribatisasyon o korporatisasyon ng 26 na pinakamalalaking pampublikong ospital sa buong bansa, kasama ang BRTTH sa Albay at BMC sa Naga City, tiyak na mapagkakaitan ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang milyong maralitang mamamayan.  At tiyak ding mabubusog ang mga mapapaborang imbestor sa kikitain ng mga isinasa-pribadong ospital na ito.  Tuluyang tinatalikuran ng estado ang kanyang tungkulin na magbigay ng serbisyong panlipunan sa mga mamamayan.   

Kasabay nito, patuloy din ang pagkakait sa matagal nang ipinaglalabang P125 dagdag sa sahod na sasagot sana sa suliranin ng kahirapan at kagutuman sa pamilya ng ating mga manggagawa.

Sa inilabas na Executive Order (EO) 79 ni P-Noy na patungkol sa diumano’y “bagong” patakaran sa pagmimina, higit pang ibinubukas sa mga dambuhalang dayuhang kumpanya ang likas na yaman ng bansa kapalit ng mumong dagdag na 3% sa kokolektahing buwis mula sa mapanira-sa-kalikasang industriyang ito. Umabot na sa 15 lider-katutubo (Indigenous Peoples) ang nagbuwis ng buhay sa militanteng paglaban para  ipagtanggol ang kanilang ancestral domain.

Sa larangan ng patakarang panlabas,  habang sadyang ginagatungan ang galit ng mamamayan sa pambabraso ng Tsina sa Scarborough Shoal at iba pang maliit na pinag-aawayang mga isla, kasabay nito ay walang-anumang  ikinukumpromiso ni P-Noy ang Pambansang Soberanya sa pagsunod  sa patakarang panlabas ng Estados Unidos na panatilihin ang imperyalistang paghahari nito sa buong mundo.  Sa  ‘Manila Declaration’  na nilagdaan ni US Secrertary of State Hillary Clinton at DFA Secretary Alberto Del Rosario noong nakaraang taon, pinahihintulutan na dumaong ang mga sasakyang pandigma ng Estados Unidos saan mang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan lamang ng ‘short notice’  kahit na ang mga ito ay  sasakyang nuclear-powered at nuclear-armed .

Dahil sa hindi magandang marka at karga na minanang napakasamang human rights record ni Arroyo, pilit ang pagpapabango ng imahe ni P-Noy.  Inilabas ng Malacañang ang Administrative Order (AO) 35  na lumikha sa “Inter-agency Task Force on Extrajudicial Killings, Enforced Disappearances, Torture and Other Grave Offenses” upang trabahuhin diumano ang mga unresolved human rights violations cases sa panahon ng rehimeng US-Arroyo at sa kanyang administrasyon. Bukod dito, may tulak din ang  matinding pressure ng international community laban sa  patuloy na human rights abuses  sa Pilipinas.  Sinusuyo din ni P-noy ang amo nitong imperyalistang EU na irelease na ang $13 M US military aid sa Pilipinas na matagal nang nakabinbin dahil sa  protesta ng international community sa talamak na human rights violations sa ating bansa. 

Nakatitiyak tayo na hungkag at walang silbi ang Task Force na ito dahil sa presensya mismo ng AFP Chief of Staff at Chief PNP dito, mga pinuno na noon pa ma’y nagkakaila na may sistematikong mga paglabag  ang mga sundalo at pulis.

Sa kawalang katarungan at patuloy na paghihikahos natin  sa “Daang Matuwid” ni  P-noy, tuluyan nating itakwil ang rehimeng ito.  Patuloy na mapagpasyang isulong natin ang mga hakbangin upang kamtin ang Katarungan para sa mga Biktima at para sa Buong Sambayanan.       

PROTEKTAHAN ang mga SiIBILYAN, lalo na ang mga BATA!
Mga  KAMPO ng  AFP at CAFGU, PALAYASIN  sa mga pampublikong lugar!
PAPANAGUTIN ang mga  Human Rights Violators na 2nd IB, 42nd IB, at 49th IB ng 9th Infantry Division!
Tuluy-tuloy na Ilantad at Labanan ang Oplan Bayanihan!
ITAKWIL ang Rehimeng  SUNUD-SUNURAN sa DAYUHAN at HINDI NAGLILINGKOD sa Mamamayan!

No comments:

Post a Comment