Monday, November 19, 2012

Padagundungin ang Prubinsya ng Camarines Norte sa Protesta ng Mamamayan Laban sa Militarisasyon at mga Paglabag sa Karapatang Pantao! – Panawagan ng mga Progresibong Organisasyon sa Kabikolan



Press Statement
October 22, 2012

For reference: Maricel R. Delen,
                          KLMK Camarines Norte, 
                          09217917851 / 4401007


Ang KARAPATAN-Bikol at KARAPATAN-Camarines Norte, kaisa ang iba’t ibang organisasyon sa buong Rehiyon sa ilalim ng Kilusan Laban sa Militarisasyon sa Kabikolan, ay maigting sa pagpapanawagan ng pagkakaisa lalo na sa mamamayan ng prubinsya ng Camarines Norte sa papatinding militarisasyon at mga paglabag sa karapatang pantao na hatid nito.

Sa mahigit dalawang taong panunungkulan ni Benigno “Pnoy” Aquino III, tuloy-tuloy na naitatala ang papalalang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa sa kumpas ng kontra-insurhensyang programa nito, ang Oplan Bayanihan (OPB). Sa 5 prubinsya ng Bicol, naitala ng KARAPATAN-Bikol ang 734 kaso ng mga paglabag mula Hulyo 2010 hanggang Hulyo 2012. At nangunguna ang Camarines Norte sa buong rehiyon sa may pinakaraming tala ng paglabag (38%)na tinatayang 2 kaso kada araw, sumunod ang Camarines Sur (26%), Masbate (8%) at panglima ang Sorsogon (5%).

Ang sanlaksang kaso ng mga paglabag sa prubinsya  ay hatid na nga ng implementasyon ng OPB, sa prente ng mga pangkaunlarang proyekto na pangunahing ipatutupad ng Armed Forces of the Philippines at ng pamprubinsyang gobyerno. Ang mga community peace and development teams (CPDTs) ay matatagpuan sa iba’t ibang barangay upang diumano’y ihatid ang kapayapaan at kaunlaran sa mga lugar na matindi ang kahirapan, sa basbas ng Gobernador ng prubinsya na si Edgardo Tallado na siya ring pinuno ng Regional Peace and Order Council (RPOC). Pangunahin ang 49th Infantry Battalion sa ilalim ng 9th Infantry Division ng AFP, buhos lakas at pondo ang kanilang inilalaan sa prubinsya upang tugisin ang kanilang kalabang New People’s Army at mga taga-suporta nito. Ang resulta – ang 477 kaso ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa pag-target ng militar sa mga di-armado o mga sibilyan sa kanilang operasyon sa iba’t ibang pamamaraan. Pinakamatingkad na dito ang pagmasaker sa pamilya Mancera noong Pebrero 25 at pagpaslang sa Punong Barangay ng Brgy. Malaya na si Kapitana Bermas na ikinasawi rin ng batang si Gerald Oreza. 

At bilang pinuno ng RPOC, malaki ang pananagutan ni Tallado sa pagresolba sa mga kasong ito subalit magpahanggang ngayon ay tila kasangga pa ng 49th IB sa pagwasiwas ng karahasan sa prubinsya. Makailang beses na niyang binigo ang paghahanap ng hustisya ng mga kaanak ng mga biktima ng paglabag at nagpapatuloy na nakakalaya ang mga berdugong may kagagawan ng mga ito.

Kaya naman nararapat na kumilos at makilahok sa panawagan ng mga progresibong organisasyon sa Kabikolan sa  pagpapatigil sa militarisasyon at paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng karahasang militar. Bukas sa mga estudyante, kawani ng gobyerno, mala-manggagawa, magsasaka, taong simbahan, magkakabod, mangingisda, at sa iba pang mga sektor ang mga aktibidad ng Kilusan Laban sa Militarisasyon sa Kabikolan.###

Ngayong araw ay ilulunsad ang KAMPUHAN LABAN SA MILITARISASYON SA CAMARINES NORTE, na lalahukan ng mga organisasyon mula sa iba’t ibang prubinsya ng Kabikolan. Kakatampukan ito ng torch march  sa sentrong bayan ng prubinsya papunta sa luklukan ng gobernador at RPOC Chairman na si Tallado. At bukas, Oktubre 23, ay idudulog ng mga lider ng mga organisasyon ang usaping ito sa Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte.

No comments:

Post a Comment