Saturday, November 17, 2012

MILITAR MAY MALAKING MOTIBO UPANG BRUTAL NA PASLANGIN SI BARANGAY KAGAWAD ELY OGUIS


15 Nobyembre 2012                                                                                                                   Reference:Vince Casilihan


Naglulubid ng kasinungalingan ang mga sundalo sa ilalim ng 2nd Infantry Battalion sa pagpaslang kay Kgd. Ely Oguis upang lituhin ang mga mamamayan at pagtakpan ang kanilang ginawang krimen.

Pareho ang istilo ng pagpapalabas ng pahayag ng mga militar sa pagpugot sa ulo kay Kgd. Ely Oguis at kay Rodel Estrellado upang maghugas kamay sa kanilang pagpatay sa mga miyembro sibilyan at progresibong grupo.  Gumawa  sila ng moro-morong enkwentro upang palabasing nadamay sa labanan ang biktima.  Pero ang totoo sila-sila lang naman  ang nagpaputok.

Bahagi ito ng sistemtikong pamamaraan ng mga sundalo at mga ahente ng gobyerno upang maghasik ng takot sa mga mamamyan. Target nila ang mga progresibo  at militanteng lider masa na lumalahok sa pagkilos para sa kumprehensibong pagbabago sa lipuang Pilipino.  Si Kgd. Ely Oguis ay isang human rights advocate at kasapi ng  ng human rights organization ng mga pesante – ang Albay People’s  Organization (APO) na aktibong kumukontra sa malaganap na militarisasyon sa kanayunan at patuloy na paglabag sa karaptang pantao na kinasasangkutan ng mga  elemento ng tropang militar na nakahimpil sa Brgy. Cabaloaon at mga karatig pook.  Ang kanyang pagiging aktibong human rights advocate ang dahilan ng karumaldumal na pagpatay.  Hindi maitatatwa na ang pagpaslang kay Kgd. Ely Oguis ay isa na namang kaso ng extra-judicial killing (EJK) sangkot ang state security forces.

Hindi na bago ang ganitong pamamaraan ng militar sa paghahasik ng sindak sa kanayunan. Matatandaan na noong panahon ng Rehimeng Cory Aquino  ganito  rin ang ginagawa ng mga sundalo. Binuo nila ang mga grupong para-militar at Vigilante Group tulad ng Tadtad na nasangkot sa pamumugot ng ulo ng mga sibilyan at mga miyembro ng progresibong grupo upang maghasik ng takot sa mga mamamayan. 

Mapanlinlang ang mga pahayag ng mga  sundalo ng 2nd IB PA tungkol sa pagkakapatay kay Kgd. Ely Oguis sa layuning lituhin ang publiko. Ayon mismo sa isinagawang imbestigasyon ng Karapatan Bikol,  wala namang nangyaring putukan sa detatchment kung saan iniulat   ng mga sundalo na may nangyaring labanan. Ang narinig ng mga tagabarangay ay mga putok ng baril na hindi nga umabot ng isang minuto  mula sa kinakitaan ng pugot na bangkay ni Kgd Ely Oguis.

Sa panayam sa mga   taga Brgy Cabaloaon  nakausap ng Karaptan-Bikol, , hindi alas 7:00 o 6:30 ng umaga nakita ang bangkay ni Kgd Ely Oguis gaya  ng naunang pahayag ng mga sundalo. Nakita na ito ng mga taga barangay na galing  sa lamay sa barangay Bat-Bat mga bandang ala 1:00 ng madaling araw,ng Nobyembre 12, 2012  kaya madaling napaabutan ang pamilya.

Noon pa man si Kgd Ely Oguis ay ilang beses na  pinatawag ng mga sundalo at pinararatangang miyembro ng NPA. Noong ngang Agosto 21, 2011 humingi siya ng tulong sa Karapatan-Bikol dahil dito. Sa  katunayan ay may sinumpaang salaysay pa itong pinirmahan.

Sa magkagayon baga’y ang tropang  militar ng 2nd IB PA ang may matingkad na motibo para gawin ang napaka brutal na pagpatay kay Kagawad Ely nakadeploy sa Bgry. Cabaloaon, Guinobatan, Albay.  Ang paghahasik ng “puting lagim”  ay bahagi lamang ng implemtasyon ng programang kontra-inushensya ng ng mga nagdaang rehimen at maging ng Oplan Bayanihan(OPB) ng kasalukyang Rehimeng US-Aquino. Ang karahasang militar ay pilit nilang itinatago sa pamamagitan ng  Community Peace and Development Team (CPDT) na wala namang pagkakaiba sa tigmak-dugong Special operations teams (SOT) ng Oplan Bantal Laya I & II ng rehimeng US-Arroyo.

Ang kamatayan ni Kagawad Ely ay  lalong magpapaalab sa damdamin at diwa ang mga mamamayan na ipaglaban ang karapatang pantao at  mabigyang katarungan ang brutal na pagpatay sa kanya at sa iba pang biktima na hanggang ngayon ay walang hustisya.###

No comments:

Post a Comment