Monday, December 9, 2013

Burukrata Kapitalismo: Ugat ng Kurapsyon, Panlilinlang ng Matuwid na Daan, at Militarisasyon, Ibagsak!


Pahayag ng Karapatan-Bikol sa Paggunita sa ika-65 taon ng Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao

Disyembre 10, 2013

Reference: Vince Casilihan 
Cellphone number: 09481390488
                                              
Dapat kasuklaman at labanan ng mamamayan ang rehimeng US-Aquino dahil sa sukdulang pagtataguyod nito ng bulok na sistemang nagpapasimuno ng korapsyon, lumilinlang sa mamamayan sa kasinungalingan ng “Matuwid na Daan”, at nagpapatibay sa militarisasyon bilang pangunahing pangil sa pagtatanggol sa kabuktutan ng naghaharing sistema. 

Labis na pumipinsala sa mamamayan ang tumitinding kabulukan ng kasalukuyang sistema.  Ang Burukrata Kapitalismo, na sa esensya ay pagpapatakbo ng gubyerno bilang isang negosyo ng mga naghaharing uri, ang siyang pinag-uugatan ng malaganap at malalim na korapsyon. Habang ang mamamayan ay lugmok sa pagpapakahirap upang lumikha ng yaman ng bansa, pinagnanakawan lamang sila ng mga panginoong maylupa’t malalaking negosyanteng naluklok sa gubyerno. Pinagkakaitan ng serbisyo at karapatan ang mamamayan samantalang naglulunoy sa pinagnakawang pera ang mga pulitiko.


Sa pangunguna ng Pork Barrel King at Panginoong Magnanakaw na si Noynoy Aquino, bukambibig ng kanyang rehimen ang panlilinlang ng “Matuwid na Daan” upang pagtakpan ang kanilang pangungulimbat sa yaman ng bansa. Gamit ang pampublikong pondo, binabayaran ni Aquino ang kanyang mga tagapuri sa masmidya upang baluktutin ang katotohanan at pagmukhain siyang kalaban ng korapsyon sa kabila ng mga patunay ng kanyang pagnanakaw at katiwalian.

Higit sa lahat, pinatitindi ng rehimen ang militarisasyon bilang pangunahing sandigan nito sa paghahari. Binubusog ni Aquino ang kanyang mga heneral sa Armed Forces of the Philippines upang maging mga masunuring tagapagpatupad ng pagsupil sa paghihimagsik ng taumbayan. Ultimong layunin ng pagpaslang sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa ngalan ng Oplan Bayanihan ay ang sugpuin ang militanteng paglaban at papanatilihin sa kapangyarihan ang mga kauri ni Aquino. 

Sa halip na panghinaan ng loob, lalong umaapaw ang galit ng mamamayan sa mga paglabag ng AFP sa kanilang mga karapatan. Sa partikular, kinamumuhian ng masang Bikolano ang 9th Infantry Division ng Philippine Army sa mala-halimaw nitong pagpapatupad ng Oplan Bayanihan sa rehiyon. Yaong mga tumutuligsa sa mga kasamaan ng gubyerno ni Noynoy, yaong mga masigasig at matatag sa pagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan, ang siyang inaatake at pinapatay ng mga bayarang sundalo ng rehimen. Sa tatlong taong paghahari ni Aquino, 1255 na kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa rehiyong Bikol ang naisadokumento. Biktima nito ang 13, 906 na mamamayang Bikolano, kung saan 38 ang mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. 

Marapat lamang na kamuhian ang pandarahas ng 9th ID sa mamamayang Bikolano. Ngunit higit pa sa paglaban sa mga paglabag sa karapatang pantao na isinasakatuparan ng AFP, dapat ituon ng mamamayan ang kanilang galit sa bulok na naghaharing sistema. Dapat matatag na labanan at ibagsak ang bulok na sistemang nagnanakaw sa perang pampubliko, lumalason sa isipan ng mamamayan, at dumadaluhong ng armadong pandarahas sa makatarungang paglaban.###


Basahin sa Ingles

No comments:

Post a Comment